SIMPLENG ORASAN

Isa, Dalawa, Tatlo...

Monday, May 24, 2010

Isa, Dalawa, Tatlo...
BERLIM M. LIMBAUAN

Isa, dalawa, tatlo..

Ilang taon na ba ako?

Ilang taon na din ba akong ganito?

Ilang taon na din bang magulo ang buhay ko?...



Ang dami ko namang nagawa sa buhay ko

Ang dami namang award ang nakuha ko

Pero bakit parang di ako masaya?

Bakit parang may kulang pa...



Sumubok na akong uminom ng alak

Humithit ng sigarilyong sandamakmak

Nanood ng mga palabas na malaswa

Magikot sa mall hanggang sa magsawa...



Pero bakit parang walang epekto

Bakit parang walang nagbabago...

Parang lalong lumala pa

Parang lalong gumulo pa...



Kala ko din kasintahan ang solusyon

Kaya sinubukang umibig sa di tamang panahon

Pero mali pa din ako...

Parang may kulang pa din sa aking pagkatao



Sumali na din ako sa ibat ibang palakasan

Nakipaglaban sa patalinuhan sa paaralan

Minsan talo pero kadalasan panalo

Pero ganun pa din parang di pa din ako kuntento



Naging aktibo din ako sa buhay kolehiyo

Sumali sa mga organisasyon at naging pinuno.

Pati pagtatanim ng puno ginawa ko na

Para lang maibsan ang kulang na nadarama.



Isa, dalawa, tatlo...

Ano nga ba talaga ang kailangan ko?

Isa, dalawa, tatlo...

May dapat ba akong baguhin sa aking pagkatao?



Nagawa ko na ang lahat,

Pero bakit parang di pa din ito sapat...

Parang kulang pa din,

Parang may dapat pa akong hanapin.



Pero nagbago ang lahat sa buhay ko,

Naaalala ko pa paano ito nagbago.

Nagsimula ang lahat noong kolehiyo din ako...

Noong sumali ako sa grupong ito..



Sila ang tumulong para makita ko ang kulang ko

At alam mo kung ano ito?

Wala pala akong Diyos sa buhay ko

Kahit ako'y Romano Katoliko.



Laking pasasalamat ko sa kanila

Kundi dahil sa kanila di ko makikita

Ang nawawala sa buhay ko...

Ang kinakailangan ko para mabuo ang aking pagkatao.



Ilang taon din akong naging aktibo sa grupo

Umabot din sa puntong naging isang lider din ako...

Pero bakit ganun ang aking nadama

Parang may kulang pa kahit ako'y may Diyos na.



Nagtapos na ako sa kolehiyo,

Nagkaroon na din ako ng trabaho...

Naging abala sa madaming bagay,

At madaming nagbago sa aking buhay.



Hindi na ako naging aktibo sa grupo.

Minsan pupunta pero kadalasan wala ako.

Bumalik lang ako sa dating buhay ko,

Buhay na makasalanan kahit may Diyos na ako.



Naging simple nalang ang buhay ko

Sa bahay at trabaho na umiikot ang buhay ko.

Minsan pupunta sa mall para manood ng sine

O di kaya magiikot lang pero di naman bibile.



Ilang buwan din akong ganoon ang buhay

Hanggang sa nagsawa sa buhay na walang kabuhay buhay.

Namis ko din ang mga ginawa sa grupong iyon,

Yun nga lang di na ako pwede doon.



Di na pwede kasi may trabaho na ako

Di na pwede kasi para sa mga estudyante lang yun

Kaya napilitan na akong tumalon

Sa grupo kung saan puro nagtratrabaho ang nandoon



Hindi ako gaano nakakasama sa kanila

Kasi minsan madami ngang ginagawa sa opisina

Bibihira din nga ako dumalo sa mga salo-salo

Minsan pinipili ko nalang matulog at wag ng dumalo.



Halos tamarin na din ako.

Di na din ako nagpaparamdam sa mga kakilala ko

Hinahanap nila ako.

Pero minsan umiiwas at nagtatago ako.



Di muna ako nagpakita sa kanila.

Mas pinili muna ang mag-isa.

Nagsimula uli ako sa pagbabasa ng bibliya,

Hanggang sa may dumating sa buhay ko na kakaiba.



Nagsimula ang lahat ng may dumating na bago

Bagong karoomate sa dorm na tinutuluyan ko

Noong una medyo ilag sa isat isa

Hanggang sa nakabonding at nagkakilala.



Sa isang kolehiyo sa taft siya nagaaral

Sa isang paaralan kung saan dati balak ko din doon magaral.

Mas bata siya sa akin..

Sobrang kulit niya kung tutuusin.



Di naglaon kami'y naging magkaibigan

Halos magkapatid na din ang aming turingan.

Binalak ko siyang yayain doon sa grupo,

Sa grupong dating kinabibilangan ko.



Sabi niya sige daw sasama siya

Pero may kondisyon din siya

Meron din daw siyang pinupunta sa masagana

WILDSONS daw ang sabi niya...



Nauna niya akong naisama sa pinupuntahan niya

At di nagtagal sa kanila na din ako sumasama.

Salamat sa kaniya kasi ngayon nalaman ko,

Ang totoong kulang ko sa aking buong pagkatao.



Ngayon alam ko na kung bakit ako nandito sa mundo

Alam ko na bakit ako tinawag na Diyos para magbago

Wala pala akong tunay na relasyon sa KANYA.

Kahit sinasabi kong kilala ko na SIYA.



Hindi din pala yan sa relihiyon mo

Hindi din pala yan dahil sa sarili mo

Ang dahilan ng iyong pagbabago

Kasi tinanggap mo ang Diyos na tagapagligtas mo.



Marami sa akin ang hindi naniniwala

Madami din ang nagsabing "nagbago ka na."

Meron din nagsabing binago ko daw ang relihiyon ko

May nagtanong din kung naging Kristiyano na daw ako.



Noon at ngayon, Kristiyano na talaga ako

Ngunit ang pinagkaiba lang nito

Noon nakabase ako sa relihiyong pinaniniwalaan ko

Ngayon nakabase ako sa relasyon ko kay HESUKRISTO.



Isa, dalawa, tatlo...

Dalawamput dalawang taon na pala ako.

Dalawamput dalawang taon sa kawalan

Dalawamput dalawang taon na di alam ang patutunguhan



Isa, dalawa, tatlo...

Alam ko na ngayon kung bakit ako nandito sa mundo.

Una, Mahalin ko Diyos ng higit sa lahat

Pangalawa, Mahalin ko ang tao ng buong tapat.



Isa, dalawa, tatlo...

Alam ko maraming pang mangyayari sa buhay ko

Umpisa palang ito ng tunay na pagbabago.

Pero nakanda ako sa plano ng Diyos sa buhay ko.



Isa, dalawa, tatlo...

Umpisa lang din ito ng bagong yugto ng buhay ko

Umpisa ng bagong pahina ng libro ko

Umpisa ng bagong istorya ng bagong ako.



Isa, dalawa, tatlo...

Di ko na alam ang susunod dito

Siguro hanggang dito nalang muna ito

Kwento ko nalang ang susunod na yugto sa inyo.